Balagtasan | Dunong o Kayamanan: Alin ang Higit na Matimbang?
Copyright © 2023 Jennings Arrison. All rights reserved.
LAKANDIWA:
Karangalan ko ang maparito
Kayamanan ko naman ang mga naparito,
Sa tanghalang respetado
Ako'y inyong magiging hurado.
Ako po ang inyong lakandiwa,
Pinakikilala 'tong dalawang makata
Na magsasalitan ng mga salita,
Mga tudla nilang itutula.
Sa mundong ating kinabibilangan,
Alin nga ba ang mas matimbang?
Ginhawang hatid ba ng karunungan
O karangyaang bitbit ng kayamanan?
Sa gawi kong kanan ay ang binibini
Sa karunungan siya'y kakampi,
Karunungan na kung ituri'y
Mas matimbang daw kesa sa salapi.
Sa bandang kaliwa ko naman ay kaibigang
Kayamanan ang pupustahan,
Ginoong maninindigang
Pilak daw ang kasagutan.
Wari sila'y handang-handa na
Kapwa bala'y nakahilera,
Wala na yatang makahahadlang pa
Anumang oras ay bubunot agad ng pistola.
Kaya naman atin nang simulan
Nang mabigyan na ng kaliwanagan,
Nang atin nang mahusga't matimbang
Kapwa mabibigat nilang katwiran.
Mangyari muna'y kalabitin
Yaong katabi mong antukin,
Nang mabaling ang diwa't tingin
Yaong mga mata rito sa amin.
Tenga niyo'y dito ilaan
Pagka't tayong lahat ay may kinalaman,
Sa usaping pinagtatalunan
Sino kayang lalabas na hunghang?
Mga ginoo at ginang
Narito na ang magtutunggalian,
Palamutian natin ang tanghalan
Nang isang masigabong palakpakan.
UNANG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Dunong):
Ako itong si Mariang Karunungan,
Sa DUNONG ako'y inyong lingkod at makikipaglaban.
Sapagkat ang kaalaman
Ang susi ng ating kinabukasan.
Tanging yamang
Handog pa ng ating mga magulang.
Hindi ito mananakaw
Ng kahit sinuman.
Sa pagitan ng pera at utak,
Alam natin pareho kung sino ang mas nakakaangat.
Ako lagi ang hangad
Nang ang bansa ay umunlad.
Kung ikaw ay may kaalaman,
Kilala ka sa larangan ng edukasyon at lipunan.
Respeto'y bato sayo ng mga tao
Dahil kung ikaw ay edukado, daig mo kahit sino.
UNANG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Kayamanan):
Ako si Pepe de Piso na pumapanig sa KAYAMANAN.
Sapagkat kung may pera, tiyak ikaw ay may laban.
Hindi ka maiiwan dahil kaya mong makipagsabayan.
Nang dahil sa kayamanan, may pag-aasam sa kinabukasan.
Anong aanihin mo sa pananatili sa paaralan?
Bukod sa pagod at antok, bulsa mo pa'y huhuthutan.
Nag-aaral ka? Para saan? Para ikaw ay yumaman.
Hindi mo man aminin ngunit 'yan ang katotohanan.
IKALAWANG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ni Dunong):
Kay babaw naman ng iyong kaisipan!
Gusto lagi ang luho't panandalian.
Kaya nga kailangan natin ng dunong at karunungan,
Upang hindi matulad sa kanya na makasalanan.
Mag-aral man, hindi ito masasayang
Dahil ang edukasyon ay tulay ng karunungan.
Katumbas nito ang kaginhawaan,
Walang bahid ng kasakiman.
Kaya payo ko sayo "aking kaibigan",
nararapat mong gawin ang mainam.
Ipunin mo lahat ng iyong kayamanan
At itago mo sa iyong kaban.
IKALAWANG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Kayamanan):
Ginawa na ang mainam, ngunit 'di pa rin sapat.
Nagsunog na ng kilay, pero meron paring bagsak.
Balita'y mga estudyante, sarili'y sinasaksak.
Dahil sa mga markang habag, sila ay napahamak.
Kaya ngayon "kaibigan ko", halika't sabihin mo.
Ito ba ang mapapala ng edukasyong pinaglalaban mo?
Ang sabi'y iraraos ng diploma ang pamumuhay ng tao.
Ngunit aanhin mo ang damo kung patay na ang kabayo?
IKATLONG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ni Dunong):
Lubos akong natutuwa sa mga tinuran mo.
Nangangahulugan lamang ito na maliit ang utak mo.
Ito ba ang mapapala ng kayamanan mo?
Ang ituro sa mga tao na sundin ang kahangalan mo?
Ipunin mo man ang lahat ng iyong
kayamanan,
Kung baluktot naman ang nangangasiwa sa pamahalaan.
Mapupunta lamang sa kahabag-habag
Itong bayang sinilangan.
Kung sa bagay, ano pa ang silbi ng mga kataga kong binibitawan,
Kung mangmang naman ang aking kalaban?
IKATLONG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Kayamanan):
Sabihin mo 'yan sa harap ng salamin, aking katalo,
Sapagkat nakikipagtalo ka pa sa bagay na alam mong ikaw ang talo.
Kitang-kita ko naman ang mga "buwayang" ginagawang bobo ang tao,
Ngunit kalimitan sa kanila'y may toga bago nailuklok sa puwesto.
Kung umasta'y parang kung sino, bulag naman sa kung ano ang totoo.
Katotohanang nakapila sa mga kompanya't establisyemento.
Libo-libo ang nakapagtapos, ngunit kumakalam pa rin ang sikmura dahil walang maayos na trabaho.
Magyabang ka lang sa'kin, 'pag nakakain na ang tropeyo.
LAKANDIWA:
Aba, aba, aba!
Parang umiinit na ang timpla.
Ipagpaumanhin itong lakandiwang
Aantalain muna ang usapan.
Sapagkat tila ako'y nabubulunan
Sa mga salita niyong maaanghang.
Alam ko'y wala sa inyo
Ang lulunok ng inyong orgulyo,
Kaya naman tuloy ang argumento
Pataasin n'yo pa lalo ang aking balahibo!
IKAAPAT NA TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Dunong):
Walang halaga ang salapi kung basura ang tingin sayo ng lipunan.
Kung ikaw ay may kaalaman, halaga mo ay higit pa sa sako-sakong kayamanan.
IKAAPAT NA TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Kayamanan):
Basura ba at trapo si "Bill Gates" na mayaman?
Kung oo'y inggit ang sako-sako kong kayamanan sa tone-tonelada mong katunggakan?
IKALIMANG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Dunong):
Ang dunong ay makatarungan.
Nililitis nito kung sinong mas tama't makatwiran.
Walang mariwasa ni maralita.
Pantay-pantay tayo sa wangis at pigura ng basyo't alkansiya.
IKALIMANG TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Kayamanan):
Gaya ng mantika sa tubig — kailanma'y 'di magpapantay ang dukha at mayaman.
Kitang-kita iyan sa kung sino ang nananalong kaso sa hukuman.
IKAANIM NA TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Dunong):
Huwag tayong maniwala sa huwad na katuturan.
Ang kadunongan hatid nito ay kaunlaran.
'Di tulad nitong kayamanan, punla lang ito ng kasakiman.
Likas na sa katauhan ang pilit sinusuhulan
Pawang kataksilanan.
IKAANIM NA TINDIG NG MAMBABALAGTAS
(Panig ng Kayamanan):
'Wag palansi sa taong 'yan!
Sapagkat ang kaalaman ang siyang tunay na lason sa lipunan.
Panig ng Dunong:
Walang pag-aalinlangan.
DUNONG ANG HIGIT NA KAILANGAN!
Panig ng Kayamanan:
'Wag na kayong mag-alangan.
KAYAMANAN ANG MAS MATIMBANG!
DUNONG!
KAYAMANAN!
DUNONG!
KAYAMANAN!
LAKANDIWA:
Ops!
Husto na ang pasiklaban!
Pepe de Piso, Mariang Karunungan.
Talo niyo pa ang magkasintahang
Aso't pusa kung magyabangan.
Matapos kong marinig
Mga katwiran ng magkabilang panig,
Ang tila langis at tubig
Sinubukan kong makapag-isip.
Ikaw, Mariang Karunungan
Walang dudang dunong ay kailangan,
Sapagkat aanhin pa ang kayamanan
Kung hindi mo ito maipagyayaman.
At ikaw, Pepe de Piso
Kayamana'y pinapangarap ng maraming tao,
Ikaw ang dahilan kung ba't tayo
Nagbabanat ng buto.
Pagyamanin ang karunungan
Upang maging marunong sa kayamanan,
Ang pagiging marunong sa kayamanan
Katibayang napagyaman ang karunungan.
Kaya't tapusin na ang iringan
Simulan niyong magkamayan,
At maging magkatuwang
Sa pagpapayabong ng kinabukasan.
Kaya bilang lakandiwa niyo
Napagdesisyunan ko,
Sa pagtatalong ito
Walang talo, kapwa panalo.
Comments
Post a Comment