Balagtasan | Pisi sa Isip: Mental Health ng Kabataan, Tungkulin ba ng Pamilya o Paaralan?

Copyright © 2023 Jennings Arrison. All rights reserved.

Tema: Mental Health ng Kabataan, Tungkulin ba ng Pamilya o Paaralan?

| UNANG TINDIG |

PAGSISIMULA NG LAKANDIWA:
Isang mainit na pagbati sa'ting mga tagapakinig
Nawa'y naging kaaya-aya yaong inyong pagliwaliw,
Nawa kayo'y nakapagpahinga mula sa pagkaligalig
At hindi nadala ng problemang tiyak na nakababaliw.

Kung noo'y ang usapan ay patungkol sa dunong at kayamanan
Ngayon nama'y pagtatalunan kung sino ang may pananagutan,
Sa pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan ng kabataan
Sino nga ba ang responsable? Ang pamilya ba o paaralan?

Ako ngayo'y nagugulumihan, hindi batid ang kasagutan
Hindi ko mawari kung aling panig ba ang aking papanigan,
Mabuti na lamang at narito ang tutulong sa'kin sa pagbuo
Ng solusyon kahit na parang sila ngayon ay magbubunggo.

Gayunpama'y mas mainam kung sila'y kilalanin muna
At ng masulyap natin ang kagalingang hatid nila,
Kilatisin ng maigi, sa maamong mukha'y 'wag padadala
Oras nang magpakilala ang naparito sa'king kaliwa.

PAGPAPAKILALA NG MAMBABALAGTAS 1 (Dedepensa sa Pamilya):
Marapat lamang ang nasa harapan ay ipakilala ang kaniyang sarili
Lingkod niyong nasa tanghalan, tawagin na lamang sa pangalang Florante,
Titindig para sa pamilyang may layong anak ay mapabuti
Iniisip ang kabataan pagkat tayo ay importante.

LAKANDIWA:
Nakatutuwa pagkat parang ika'y tatakbo
Tunog kandidatong nanlilimos ng boto,
Datapwat 'wag tayong manghusga agad ng kapuwa
Baka ang mamutawi sa kaniyang labi'y ating ikatutuwa.

Habang ang nasa aking kanan ay isang mayuming dilag
Tila 'di makabasag-pinggan at parang isang bulaklak,
Ngunit 'wag pakatitiyak pagkat titig niya'y nakasisindak
May tinik pa naman ang rosas at maaaring makasugat.

PAGPAPAKILALA NG MAMBABALAGTAS 2 (Dedepensa sa Paaralan):
Sa sigalot at problemang ito
Tungkulin ay klarong-klaro,
Dapat sana'y sa tahanan inaasikaso
Ngunit paaralan ang siyang naaareglado.

Ako si Laura, ang boses nitong paaralan
Taliwas sa aking kalaban,
Hindi ko na kailangan pang pamulaklakin ang aking pangalan.
Pagkat hangad ko ay puro't pulido
Walang ibang gusto,
Kundi mabigyan ng kaliwanagan
Lahat ng palaisipan at katanungan ninyo.

LAKANDIWA:
Aba, aba, aba! Kung gayon kayong dalawa
Florante at Laura, pinagtambal ngayon ng sadya,
Ngunit ang pinagkaiba nga lang ay sa entablado ang tagpuan
May aasahan ba tayong magkakagustuhan o magkakasagutan?

Nawa'y maging kapaki-pakinabang ang ating diskusyon
At maging salbabida para sa mga nalulunod ngayon,
Nalulunod sa luha't suliranin sa buhay
Nawa'y sila'y mapakinggan at magkaroon ng karamay.

Oh siya, siya, siya. Tigilan na ang pasakalye.
Makinig kayo ng maigi at pag-isipan ng mabuti,
Ang tanong na nakasabit, sino ang dapat na gumupit?
Sa malaking responsibilidad ay sino ang dapat magbitbit?

TINDIG NG MAMBABALAGTAS 1 (Dedepensa sa Pamilya):
Kung gayon binibini, ngalan mo pala'y si Laura
Ikinagagalak nitong aking pusong ikaw ay makilala,
Nawa tayo'y magkaunawaan hinggil sa kalusugang pangkaisipan
Ng kabataan na nararapat tugunan ng paaralan.

Batid naman nating lahat na ang kabataan ang siyang hinaharap
Nitong ating bayang minumutyang nangangailangan ng paglingap,
Ngunit paano mapapabuti ang ating Inang Bayan
Kung ang mismong pag-asa nito'y sa pag-asa'y nawawalan?

Masasabi kong nararapat umaksyon ang paaralan
Lalo pa't halos buong araw sila ay nasa eskwelahan,
Lagpas walong oras sila ay nagsusulat
At sa tambak na proyekto, sila pa nga ay napupuyat.

Napapagod ang utak, katawan ay namamayat.
Ngunit kailangang magsipag nang ikaw ay umangat,
Hindi maiiwasang ikumpara ang sarili sa iba
Dahil maliban sa patalinuhan, minsa'y mukha'y nakukutya.

Pilit mo mang ikubli ang iyong kalungkutan
Ngunit bakas sa iyong mga matang ikaw din ay nahihirapan,
Kaya't ikaw ay sumang-ayon na't paniniwala mo'y talikuran
At maghawak-kamay tayo para sa kinabukasan.

TINDIG NG MAMBABALAGTAS 2 (Dedepensa sa Paaralan):
Hindi ko kailangan makigpagsang-ayon sa iyo, Ginoo
Kung ang usapin din naman ay ganito ka seryoso,
Ipagpaumanhin niyo itong makatang nangungusap
Kung kayo man ay nagulat sa aking pahayag.
May nasasaloob akong rason 
Kaya't intindihin niyo muna ang hinggil ko at reaksyon. 

Hindi ba ang disiplina at kaalaman ay hinubog sa tahanan
Bago pa man pumasok ang bata sa silid-aralan? 
Kung gayon, ano man ang ikinilos ng bata 
Ay sa tahanan niya mismo ito nakuha.

Hindi natin maipagkakaila na ang paaralan ay silid ng karunungan
Institusyong panlunan ng serbisyo't kaalaman,
Subok man ang tiwala natin sa paaralan 
Kung kaya hindi lahat ay nababantayan.
Sa dami ng populasyon
Halos di-mahulogan ng karayom,
Hindi mo rin masasabing mabibigyang-tugon
Ng isang guro ang isang daang lupon.

Oo nga't higit sa panahon ang inilalagi sa paaralan.
Ngunit huwag sana nating ipagsawalang-bahala
Ang suliraning ikinukubli ng isang bata.
Pakatatandaan mong anoman ang kahihinatnan ng isang lawin,
Ang rason nito ay nasa pugad pa rin.

| IKALAWANG TINDIG |

LAKANDIWA:
Napakabuti't napakamainam, may kabuluhan ang inyong tinuran
Parehong may punto, kapuwa may dahilan,
Sa kana'y titindig sa pamilya, sa kaliwa'y titinig naman sa paaralan
Ako muna'y aatras at nang makaabante ang usapan.

TINDIG NG MAMBABALAGTAS 1 (Dedepensa sa Pamilya):
Akala ko pa naman ay agad tayong magkakaintindihan
Ngunit sa aking palagay' pang-unawa mo'y may kabagalan,
'Di bale't opinyon mo pa rin ay aking igagalang
Datapwat tila isinisisi mo ang lahat sa magulang.

Batid kong nag-uumpisa ang laban sa pugad
Kung saan natututo silang ikampay kanilang pakpak,
Subalit hindi ba guro'y dapat din silang damayan
Ano pa't tinawag silang pangalawang magulang?

Bagkus naitatanim sa musmos nilang isipan
Na sila ay mga lawing tila nasa paligsahan,
Sa paglipad sa nakakalulang himpapawid na kay lawak
'Pag mataas pa naman ang lipad, tiyak 'pag nabagsak ay malalim ang sugat.

Nand'yan ang paaralan hindi lang upang sila'y turuan
Kundi upang gabayan sila sa tuwing nasa silid-aralan,
Kundi upang unawain kanilang suliranin
Na minsa'y tinatago nila sa pamilya't kinikimkim.

Ikaw ay nangangaral nang hindi alam ang dinadaldal
Mawalang-galang na po't tungkol sa kalusugang pangkaisipan ang ating pinag-uusapan,
Subukan mong sabihin 'yan sa harap ng mga magulang
Na may anak na nabugbog sa mismong gusali ng eskwelahan!

TINDIG NG MAMBABALAGTAS 2 (Dedepensa sa Paaralan):
Kailanma'y hindi nagkulang sa pagtuturo at pagdisiplina ang paaralan
Masisiguro natin yan,
Kaylaki siguro ng inaasahan mo sa tahanan
Kung kaya't nakalimutan mo na sa paaralan ay magbigay-galang.

Halos baluktot na ang likod sa pagod at uyamot
Halos ipakain na ang sagot, 'wag lang makalimot,
Madalas kulang pa ang sahod
Pero tuloy pa rin ang paglilingkod kahit anong hirap at pagod.

Panahon na siguro na dapat pamilya na naman ang tumugon nitong problema
Sa halip na ang bata ay himukin ng maihasa,
Mabigat na pasanin sa supling na lang inaasa
Tahanang mapaghangad ang anak ang siyang napapahamak.

Sa taas ng lipad 
Kahit mismo pakpak ng sisiw ay inaapak.
Sa paglipas ng araw, 'wag mo sanang pagtakhan
'Pag ang bata ay magsimula ng magdumi ng kalan,
Walang ibang sisisihin sa tahanan 
Ang siyang puno, ugat at dahilan.

'Wag mo'kong pangaralin kung para sa'yo wala akong modo
Dahil bukas ang puso ko sa pinaninindigan ko,
Naiintindihan ko ang lahat ng iyong payo pero sa problemang ito
Dapat nating punahin ang mas maraming natrabaho na dapat sana'y tungkulin ninyo.

Para raw sa kaisipang pangkalusugan ang ipinaglalaban?
Naku! Kaibigan, 'wag kang magpatawa!
Pinapahiwatig mo lang sa lahat na wala kang kwenta.

Kay simpleng tungkulin
Sa iba mo pa pinapasanin,
Kagaya ng tanim sa bukirin
Kung ang lahat ng bunga'y kulubot,
Tiyak ang ugat ang siyang dapat na managot.

| SAGUTAN SERYE |

MAMBABALAGTAS 1:
Tunay ka ngang isang bulaklak, marilag ngunit bulag
Sa dami ng kawikaan mo'y nagmukha ka nang may utak.

MAMBABALAGTAS 2:
Mahihiya sa'yo kahit uwak, hamak na puro putak
May ikakatas pa pala ang binatang walang utak.

MAMBABALAGTAS 1:
Namalas na ang kagaspangan ng binibining balatkayo,
Kawawa ang kabataan sa hatid niyang siphayo.

MAMBABALAGTAS 2:
'Di bale ng magmukhang suwapang,
'Wag lang maging isang batang nagtatapang-tapangan.

LAKANDIWA:
Por pabor, Florante at Laura
Kalmahin ang patutsada,
Alalahaning nakatayo tayo
Sa harapan ng madla.

MAMBABALAGTAS 1:
Paaralan ang dapat tumugon!

MAMBABALAGTAS 2:
Hindi! Pamilya ang dapat umaksyon!

MAMBABALAGTAS 1:
Paaralan!

MAMBABALAGTAS 2:
Pamilya!

MAMBABALAGTAS 1:
Paaralan!

MAMBABALAGTAS 2:
Pamilya!

LAKANDIWA:
Kalapastanganan!
Ang inyong kawalanggalang ay 'di ko na matiis pa,
'Wag niyo sanang ipagsawalang-bahala
Ang ating pinakaadhika.

Ang mapunan ang kawalang
Kumakalawang sa kabataan,
Nang mahila at mapunit
Mga pisi sa kanilang isip.

Ipagpaumanhin ang tinuran
Ng dalawang makatang nagtagisan,
Wari'y sila'y nadala lamang
Sa bugso ng nararamdaman.

Gayunpaman sila'y nararapat papurian
Sapagkat sa huli sila ay nanindigan,
Ngunit katanunga'y kailangan na ng agarang kasagutan
Kaya Florante at Laura, iwika ang ninanais nang tuwiran.

| IKATLONG TINDIG |

LAGOM NG MAMBABALAGTAS 1:
Paumanhin sa kataas-taasang Lakandiwa
Pagkat inasal ko ay hindi nakatutuwa,
Paumanhin din sa'yo, binibining Laura
Pagkat taliwas sa pagkamaginoo ang aking winika.

Subalit nawa'y naunawaan
Ang aking mga tinuran,
At hindi balewalain
Ang aking saloobin.

Sapagkat ang nais ko lamang
Ay mapabuti ang kabataan,
Kanilang suliranin, alalahanin ay mapagaan
Habang sila ay nasa kanlungan ng paaralan.

LAGOM NG MAMBABALAGTAS 2:
Ipagpaumanhin kong kapalaluan ko ay naipabulalas, lalo na sa sa'yo, Florante
Sa hangad nating punahin ang suliranin nang ang kabataan ay mapabuti,
Mas lalo pang nagliyab ang apoy at ang madla'y hindi natutuwa't makampante.

Batid ko ang iyong nais
Sadya nga naman na ito ay bulwagan,
Datapwa't tayong dalawa'y tinadhanang ipaglaban
Kung kaya't hindi kita masisisi.

Tungkulin man ng paaralan na ang miserableng kaisipan ng kabataan ay maiwasan
Tanggapin natin ang katotohanan,
Sa agos ng buhay, dapat mayroong malapit na karamay
Ang pamilya ang siyang dapat umagapay.

PAGWAWAKAS NG LAKANDIWA:
Gayon naman pala, tunguhin niyo'y dakila
Ngunit ako'y nalilito at nagtataka,
Pagkat sa lahat ng inyong tinuran
Tila kayo ay nagtutulakan?

Bagamat pamilya ang siyang pinagmulan
Paano naman kapag sila ay nasa paaralan?
Datapwat paaralan ang siyang may kasanayan
Paano naman kapag sila ay nasa tahanan?

Gaya ng inyong winika, kapuwa ay may pananagutan
Katungkulang inaasahang inyong magampanan,
Kaya bakit hindi na lamang kayong dalawa ay magtulungan?
Sapagkat ang mabigat ay gumagaan kapag nagtutuwangan.

Kaya't sa pamamagitan ng kapangyarihang
Iginawad sa'kin bilang isang tagapamagitan,
Aking napagpasyahang magkakaroon lamang ng kalutasan
Kung kapuwa pamilya't paaralan ay magiging magkatuwang.

| WAKAS |

Comments

Popular posts from this blog

Balagtasan | Ano ang Susi sa Pag-unlad: Edukasyon o Kayamanan?

Balagtasan | Dunong o Kayamanan: Alin ang Higit na Matimbang?