Balagtasan | Ano ang Susi sa Pag-unlad: Edukasyon o Kayamanan?

Copyright © 2023 Jennings Arrison. All rights reserved.

Tema: Ano ang Susi sa Pag-unlad: Edukasyon o Kayamanan?

| UNANG TINDIG |

PAGSISIMULA NG LAKANDIWA:
Isa na namang umaga na mapagpala
Handog at alay ko para sa ating madla,
Lalo na sa mga makikisig at magaganda
Nating mga panauhing buhat pa sa hilaga.

Karangalan kong maparito
Muli rito sa entablado,
Nitong tanghalang nirerespeto
Ako'y muling magiging kabado.

Dati'y lulong sa, ops! Hindi droga
Kundi lulong at adik sa kaniya,
Ngayo'y inyong magiging Lakandiwa
Itong binibini sa puso't diwa.

Sa mundong kayraming pintuan
Alin ba ang dapat kong buksan?
Anong susi ba ang dapat kong makamtan
Na magbubukas sa'kin sa kaunlaran?

Madalas sabihin ng aking magulang
Na mas mainam kung may pinag-aralan,
Ngunit tila nadadala sa kahirapan
Napapaisip na magtrabaho na lamang.

Hindi ko alam ang pipiliin
Litong-lito na itong damdamin,
Hindi mawari ang uunahin
Sapagkat walang ibig sayangin.

Nais ko lamang ay matulungan
Aking pamilya sa kahirapan,
Nawa'y mapakinggan ang dinaramdam
Nitong prinsesa sa inyong harapan.

MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Sa mundong ating kinabibilangan
Ari-aria'y hindi kailangan,
Pagkat kasaganahan ay hatid ng karunungan
Kayamanang 'di mananakaw, ni 'di masasayang.

LAKANDIWA:
Paumanhin po sa'yo, binibini
Maaari bang pangala'y masabi?

MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Lingkod n'yong nagbabalik sa tanghalan
Mariang Karunungan ang pangalan,
Mag-aral ka nang maigi't 'wag mag-alangan
Sapagkat walang dudang lamang ang may alam.

MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Huwag kang maniwala sa huwad na katuturan
Pagkat iniisip niya lamang, bulsa'y magkalaman
Kung ako pa sa iyo ay magtrabaho ka na lang
'Pag kumita ka'y tiyak sasaya yaong magulang.

LAKANDIWA:
Mawalanggalang na, ginoo
Ngunit sino naman po kayo?

MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Ang dali mo namang makalimot
Ako ito, si Pepe de Piso
Naninindigan sa kayamanan, kaya ngayon ay mas yumaman
Sabihin mo lang 'yong kailanga't mabibili ng pera ko 'yan.

| IKALAWANG TINDIG |

LAKANDIWA:
Tama ba ang pagkakarinig ko
Mariang Karunungan, Pepe de Piso?
Ang matalik na "magkatoto"
Naku! Ang laking tulong nito.

Ang isa'y sa kaalaman ay sagana
Habang bulsa naman ng isa'y tumaba,
Ang mundo'y kay liit talaga
Ba't pa tayo nagkita-kita.

Hala! Wala na akong magagawa pa
Tila dikta talaga 'to ng tadhana,
Nawa'y kasagutan ay magbunga
Mula sa dalawang aso't pusa.

Kalabitin ang nasa iyong kanan
Sampalin naman ang nasa kaliwa,
Isang masigabong palakpakan
At pwede na tayong magsimula.

TINDIG NG MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Hindi ko mawari kung bakit kailangan pang pagtalunan
Para sa kinabukasan, kasaguta'y edukasyon lamang,
Tanging yamang maihahandog ng ating magulang
Ngunit hindi 'to mananakaw ng kahit sinoman.

Aanhin mo ang kayamanan kung salat ka naman sa kaalaman
Oo nga't ito ay mahirap ngunit ito nama'y pangmatagalan,
Sa edukasyon tayo mamuhonan, walang bahid ng kasakiman
Ang susi ng kinabukasan, sa edukasyon lamang makakamtan.

TINDIG NG MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Ano bang mapapala mo sa silong ng paaralan?
Bukod sa pagod at antok, bulsa mo pa'y huhuthutan.
Nag-aaral ka? Para saan? 'Diba para yumaman.
Hindi mo man aminin ngunit 'yan ang katotohanan.

Katotohanang nakapila sa labas ng kompanya
Libo-libo ang nakapagtapos ngunit nakatengga,
Subalit edukasyon ay bukambibig pa rin ng dalaga
Magagaya sa kanya 'pag ang tinta'y ginawang bitamina.

| SAGUTAN SERYE |

MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Nagsalita ang batang tila kinulang sa sustansya
Marami kang pera pero nangangayayat ka yata,
Kung ako pa sayo'y sa paaralan ay pumasok ka
Dali! 'Eto ang susi't baka sa hangi'y liparin ka.

MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Aanhin ko iyang susi ng edukasyon mo
Kung meron naman akong maraming duplikado?
Kung ako pa sa'yo, mukha mo ang asikasuhin mo
Na sa sobrang laki ay kasinlapad na ng pinto.

MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Hoy! Buto't balat.
Halika rito at ituturo ko sa iyo.
Ang tamang asal na 'di kayang bilhin ng pera mo,
Sa kalansing ng barya, naging kataka-taka
Mukha'y kasintulis ng durian na korteng mangga.

MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Magtuturo ng tamang asal ang isa ring namimintas
Para lang magpatawa, nandamay ka pa ng mga prutas,
Sa sobrang pag-aaral, halata na gutom ka na
Heto't humigop ka muna ng tinolang diploma.

MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Bulalas na ang kapintasan nitong ginoong nasa harapan.
Huwag mong masyadong diinin sa pagbalangkas at baka buto mo ay kumalas.
Sa paghigop, ay salamat nalang
At baka kung ano-ano pa ang ipinaglalagay mo r'yan.
Nangungulelat ka pa naman
Baka ang asukal ay sa asin iyong napagkamalan.

MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Alam ko na kung ba't ayaw mo'kong tigilan
Baka kasi gusto mo saki'y makahiram,
Ng salapi para sa iyong matrikula
Sampung libo? Pagkatao mo? Magkano ba?

LAKANDIWA:
Mawalanggalang na po’t sumusobra na yata kayo
Isiping nasa harapan tayo ng maraming tao.

MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Edukasyon ang gamitin mo.

MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Hindi! Kayamanan ang kunin mo.

MAMBABALAGTAS 1:
Edukasyon!

MAMBABALAGTAS 2:
Kayamanan!

MAMBABALAGTAS 1:
Edukasyon!

MAMBABALAGTAS 2:
Kayamanan!

LAKANDIWA:
Kalapastanganan!
Hindi ko na maatim pa ang inyong kawalang-galang.

Ipagpaumanhin ang tinuran
Ng dalawang makatang nagtagisan,
Wari’y sila’y nadala lamang
Sa bugso ng nararamdaman.

Gayunpaman sila’y nararapat papurian
Sapagkat sa huli’y nanatiling nanindigan,
Sa kasamaang palad ay kailangan ng tuldukan
Buksan na ang panapos nitong ating balagtasan.

| IKATLONG TINDIG |

LAGOM NG MAMBABALAGTAS 1 (Edukasyon):
Gawin natin siyang halimbawa, yaman ay nakasasama
Likas na sa katauhan na kahit sino’y kinukutya,
Edukasyon ang kailangan nang ‘di magaya sa kanya
Na kahit man yumaman ka, paa pa ri’y nasa lupa.

Ang perang sinasabi mo’y nasa paligid lang
Makakamtan pagkalabas sa silid-aralan,
At sa pagdating ng oras na ikaw ay nakapagtapos na
Kaya mong gumawa ng pera, ‘di gaya niya na kinikita pa.

LAGOM NG MAMBABALAGTAS 2 (Kayamanan):
Kung masama ang yumaman
Ba’t hangad ng ‘yong magulang,
Walang mali sa pagyaman
‘Yan ay nasa tao lamang.

Ang sabi mo’y ang pera’y nasa paligid lang
Kung ganoon, sabihin mo kung nasaan ‘yan,
Makinig ka sa’kin iho’t sa kanya’y ‘wag palilinlang
Gagawin ka lang niyang bakang araw-araw gagatasan.

PAGWAWAKAS NG LAKANDIWA:
Husto na ang nadinig at ang aking nasaksihan
Kahit papaano’y parinigan niyo ay may laman.

Ikaw, binibing Mariang Karunungan
Walang dudang edukasyon ay kailangan,
Sapagkat aanhin pa ang kayamanan
Kung hindi mo ito maipagyayaman.

At ikaw naman, ginoong Pepe de Piso
Kayamanan ay hangad ng maraming tao,
Ikaw ang dahilan kung ba’t tayo
Ang mismong nagbabanat ng buto.

Pagyamanin ang iyong kaalaman
Nang maging maalam sa kayamanan,
At ang pagiging maalam sa kayamanan
Katibayang napagyaman ang kaalaman.

Kaya’t tapusin na ang iringan
At simulan niyo nang magkamayan,
At kayo’y maging magkatuwang
Sa paghubog ng kinabukasan.

Kaya sa pamamagitan ng kapangyarihang
Iginawad sa'kin bilang tagapamagitan,
Aking napagpasyahang magkakaroon lamang ng kalutasan
Kung kapwa edukasyon at kayamanan ay magiging magkatuwang.

Ang pasiya ko sa hidwaang ‘to,
Susi sa kaunlara’y ating matatamo
Kung pareho kayong magbubukas sa ginintuang pinto.

Comments

Popular posts from this blog

Balagtasan | Pisi sa Isip: Mental Health ng Kabataan, Tungkulin ba ng Pamilya o Paaralan?

Balagtasan | Dunong o Kayamanan: Alin ang Higit na Matimbang?